Location via proxy:   [ UP ]  
[Report a bug]   [Manage cookies]                

Ang Odisea o Ang Odisea (Griyego: Ὀδύσσεια, Odússeia o Odísia; Ingles: Odyssey) ay isa sa dalawang pangunahing sinaunang tulang epika ng kabihasnang Heleniko (sinaunang Gresya) na pinaniniwalaang inakdaan ni Homer (o Homero). Tinatayang isinulat ang tulang ito noong malapit na ang pagwawakas ng ika-8 daantaon bago dumating si Kristo, sa may Ionia, malapit sa tabing-dagat ng kanlurang Turkiya na nasasakupan ng mga Griyego.[1] May bahagyang pagganap ang tula bilang isang karugtong ng Iliad ni Homer, at pangunahing nakatuon sa bayaning Griyegong si Odiseo (Odisio at Odysseus din; o sa anyong Romanong Ulysses) at sa kaniyang mahabang paglalakbay pauwi sa Ithaca makaraan ang pagbagsak ng Troy. Hinango ang pangalan ng epikang ito mula sa bayani nitong si Odiseo.[2]

Odisea
Simula ng Odisea sa pinagmulang wikang Griyego.
May-akdaHomer
BansaGresya
WikaSinaunang Griyego
DyanraTulang epika
TagapaglathalaIba't iba
Petsa ng paglathala
Bago sumapit ang karaniwang panahon
ISBNwala
Sina Odiseo at Penelope.

Inabot ng sampung taon si Odiseo bago muling marating ang Ithaca makatapos ang sampung-taong Digmaang Trohano.[3] Sa panahong wala si Odiseo, kinailangang harapin ng kaniyang anak na si Telemachus (o Telemaco) at ng asawang si Penelope ang isang pangkat ng mga walang-galang na mga manliligaw, ang mga Proci, na nagpapaligsahan upang makamit ang kamay ni Penelope at mapakasal sa isa sa kanila, dahil maraming naniniwalang namatay na si Odiseo. Sa makabagong panahon, nangangahulugang "matagalan o mahabang paglalakbay o pakikipagsapalaran" ang salitang odyssey.[4] Patuloy pa ring binabasa sa Griyegong Homeriko ang akdang ito, maging ang pagsasalinwika sa mga pangkasalukuyang wika sa palibot ng mundo. Kung hindi lamang nakasulat ito ng patula, sinasabing ito sana ang pinakaunang nobela sa mundo. Dahil sa masayang wakas ng akdang ito, itinuturing itong isang salaysayin ng pagmamahalan o may katangiang makaromansa. Malaki ang naging impluwensiya ng Odisea sa panitikang pandaigdig, katulad ng iba pang mga tula at maging sa mga dula.[2]

Mga salaysay sa loob ng Odisea

baguhin

May tatlong salaysaying patulang nakapaloob sa Odisea: ang kay Odiseo, ang kay Telemaco (anak na lalaki ni Odiseo), at ang kay Penelope (ang asawa ni Odiseo): Ang unang nakahabing salaysay ay hinggil sa pakikipagsapalaran ni Odiseo habang pabalik sa kaniyang kaharian sa Ithaca, pagkalipas ng Digmaang Trojan, kabilang ang kaniyang mga naging suliranin nang nakabalik na siya sa Ithaca. Samantala, umiinog rin ang akda sa anak ni Odiseong si Telemaco (ikalawang salaysay); hinahanap ni Telemaco ang matagal nang nawawalang amang si Odiseo. Naglalahad din ang epika ng nauukol kay Penelope (ang ikatlong salaysay), ang asawa at reyna ni Odiseo, na matagal nang naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang asawang si Odiseo. Sa kabuoan, dalawampung taon ang naging kahabaan ng paghihintay ni Penelope hanggang sa makabalik na nga si Odiseo. Ganito ang bilang dahil sampung taong nasa digmaan si Odiseo na nadagdagan pa ng sampung taon sa karagatan habang naglalakbay pabalik sa Ithaca. Magkakahabi ang tatlong salaysaying ito ng buhay sa epikang Odisea.[2]

Salaysay ukol kay Telemaco

baguhin

Isang buwan pa lamang si Telemaco nang maglayag patungong Troy ang ama niyang si Odiseo.[5] Nagsisimula ang Odisea noong mga dalawampung taon na ang edad ni Telemaco, at nakatira sa tahanan ng kaniyang ama, sa piling ng kaniyang inang si Penelope. Naroroon din ang pangkat ng malaking bilang ng mga mayayabang na mga kalalakihang nanliligaw kay Penelope. 108 ang bilang ng mga manunuyong ito, na naniniwalang patay na si Odiseo, kaya't maaari nang mapakasalan si Penelope kung mapapaibig ng isa man sa kanila.

Nagkatawang tao si Athena (o Atena), sa anyo ng isang datu o pinunong Taphianong si Mentes, para hikayatin si Telemaco na hanapin si Odiseo. Nilisan nga ni Telemaco ang Ithaca upang maghanap ng balita hinggil sa kaniyang amang si Odiseo. Pinangangalagaan siya ng diyosang si Atenas, na siyang tagapananggalang din ni Odiseo. Dinalaw ni Telemaco ang isang matandang nagngangalang Nestor, pati sina Menelaus at Helen, na mga nakabalik nang matiwasay mula sa pakikipaglaban sa Troy. Wala siyang natanggap na balita ukol sa ama. Pinagbilinan siya ni Atenang magbalik sa Ithaca.[2]

Salaysay ukol kay Odiseo

baguhin

Samantala, nasa isang pulo si Odiseo, sa isang pulong pag-aari ni diyosang si Calypso. Nanahan si Odiseo sa pulong iyon ng may pito nang mga taon. Inalok ni Calypso na gagawin niyang isang nilalang na walang-kamatayan o imortal si Odiseo, subalit mas ibig ni Odiseong magbalik sa Ithaca. Sinugo ng diyos na si Zeus si Hermes upang pag-utusan palayain ni Calypso si Odiseo. Gumawa ng isang bangka si Odiseo, sapagkat matagal nang nawasak ang kaniyang mga barko, malaon na ring namatay ang kaniyang mga kasamahan. Narating ni Odiseo ang ang lupain ng mga Phaeacian. Natagpuan siya ng prinsesang si Nausicaa. Sa palasyo ng amang hari ni Nausicaa, nilahad ni Odiseo ang kaniyang naging mga pakikipagsapalaran. Naririto ang ilan sa mga ito:[2]

Sa lupain ng mga Kumakain-ng-Lotus
baguhin

Narating nina Odiseo at ng mga kasamahan niyang manlalakbay ang lupain ng mga tinatawag na Kumakain-ng-Lotus. Nang matikman ng mga kasama ni Odiseo ang halamang lotus, nakalimutan nila ang kanilang mga nakaraan, kaya't ayaw na nilang lisanin ang pook, para kumakain pa ng mas maraming mga lotus. Hinila ni Odiseo ang kaniyang mga tauhan paalis sa lugar na iyon.[2]

Sa lupain ng mga may-isang mata
baguhin
 
Si Odiseo habang nilalasing si Polifemo.

Nabihag ng isang nilalang na may iisang matang si Polifemo (o Polyphemus), isang cyclope (o cyclop), salitang nangangahulugang "may bilog na mata." Naninirahan si Polifemo sa isang yungib, at kinakain ang mga tauhan ni Odiseo, dalawang tao bawat isang araw. Nilinlang nina Odiseo si Polifemo. Nilasing ni Odiseo si Polifemo at pinaso nila ang mata nito kaya't nabulag. Nang dating tanungin ni Polifemo kung ano ang pangalan ni Odiseo, sinabi ni Odiseong "Walang-Sinuman" ang tawag sa kaniya. Kaya't nang humingi ng saklolo si Polifemo sa iba pang mga cyclope, walang tumulong sa kaniya, sapagkat ang pangungusap na "Sinasaktan ako ni Walang-Sinuman," ang sinasambit niya sa paghingi ng mga nagtataka lamang na mga kauring nilalang. Nakaalis sina Odiseo sa pamamagitan ng isa pang panlalansi kay Polifemo. May mga alagang tupa si Polifemo. Pinagtali-tali nina Odiseo ang bawat tatlong tupa, nakatali sa ilalim ng panggitnang tupa ang isang kasama ni Odiseo, na hindi masasalat ng bulag na si Polifemo kapag hihimasin ang dumaraang mga tupa. Bagaman iisang tupa na lamang ang natira para kay Odiseo, isang lalaking tupa at siyang paborito ni Polifemo. Hindi rin napuna ni Polifemo si Odiseong nasa ilalim ng paboritong tupa ni Polifemo. Bagaman nakatakas sina Odiseo mula sa mga kamay ni Polifemo, naparusahan din pagdaka si Odiseo, sapagkat anak si Polifemo ng diyos na si Poseidon.[2]

Tulong ng diyos ng mga hangin
baguhin

Nakatagpo nina Odiseo si Aeolus, ang diyos ng mga hangin. Binigyan si Odiseo ni Aeolus ng isang buslong naglalaman ng mga hanging magagamit sana sa paglalayag, ngunit nagduda ang mga tauhan ni Odiseo hinggil sa laman ng buslo. Inisip nilang kayamanan ng laman ng buso at nililinlang lamang sila. Kaya't binuksan nila ang buslo. Nakawala ang mga hangin. Naantala lamang muli ang kanilang paglalakbay. Tumanggi si Aeolus na tulungan silang muli.[2]

Ang mga Laestrigoniano at si Circe
baguhin

Winasak ng mga Laestrigoniano (mga Laestrygonian, mga kumakain ng laman ng tao) ang lahat ng sasakyang-pandagat nina Odiseo. Pinaslang din ng mga ito ang mga tauhan ni Odiseong lulan ng mga barkong nasira. Hindi nila pinatay si Odiseo. Dumulog si Odiseo kay Circe, isang babaeng mangkukulam na ginawang mga baboy ang mga tauhan ni Odiseo. Binigyan ng diyos si Hermes si Odiseo ng isang halamang molyo (o moly), isang yerbang nakatulong kay Odiseo para labanan ang salamangka ng mangkukulam. Napapayag ni Odiseong palayin ni Circe ang kaniyang mga tauhan, subalit kinailangan niyang pumiling kay Circe nang may isang taon.[2]

Sa Mundong nasa Ilalim ng Lupa
baguhin

Tumungo si Odiseo sa Mundong nasa Ilalim ng Lupa upang humingi ng tulong kay Tiresias, isang multong may kakayahang maglakbay-diwa, kung paano ang pagbalik sa Ithaca. Nakahalubilo rin ni Odiseo ang iba pang mga kaluluwa ng mga naging bantog na mga tao, pati ang kaniyang inang namatay sa kalungkutan noong wala si Odiseo sa Ithaca, habang naghihintay sa pagbabalik ng bayaning hari.[2]

Mga sirena at sina Scylla at Charybdis
baguhin
 
Si Odiseo at ang mga sirena.

Nakatagpo rin nina Odiseo ang mga sirena, mga kabighabighaning babaeng may nakakabatubalaning awitin. Handang makipagpatayan ang mga tauhan ni Odiseo para lamang makalapit sa mga sirena, kaya't pinahiran ni Odiseo ng pagkit ang mga tainga ng kaniyang mga kasamahan. Samantala, nagpatali naman si Odiseo sa isang haligi, kaya't kahit na marinig niya ang awit ng mga sirena, hindi siya lulundag sa tubig para marating ang mga babaeng iyon. Nakasagupa rin nina Odiseo ang halimaw-dagat na si Scylla, na kahawig ng isang pugita. Nahuli ni Scylla ang anim sa mga tauhan ni Odiseo. Kinailangan ding matakasan nina Odiseo ang isang uli-uli, isang ipu-ipong-tubig o tubig na umaalimpuyo, na may pangalang Charybdis; nakaraan naman sila't nakalagpas sa buhawing-tubig na ito.[2]

Sa Pulo ng Araw at ang mga Phaeaciano
baguhin

Narating nina Odiseo ang Pulo ng Araw. Nang lisanin niya ang pook na iyon, may isang unos sumira sa kaniyang nag-iisa nang barko, at namatay ang mga natitira niyang mga tauhan. Isang kaparusahan kay Odiseo at sa kaniyang mga kasama, sapagkat pumaslang sila ng ilang mga banal na baka. Naging mainam naman ang pagtanggap kay Odiseo ng mga mamamayan ng Phaeacia nang marating niya ang lupain ng mga ito. Tinulungan si Odiseo ng mga Phaeaciano para makabalik na sa Ithaca, sa pamamagitan ng pagpapagamit ng isa sa kanilang mga barko. Sa lumaon, naging bato ang barko, bilang isang paghihiganti ni Poseidon kay Odiseo. Nakaligtas naman si Odiseo.[2]

Pagbabalik ni Odiseo sa Ithaca

baguhin

Sa pagdaong ni Odiseo sa Ithaca, tinulunga siya ng diyosang Atena upang makapagpanggap bilang isang pulubi. Narating ni Odiseo ang dampa ng nag-aalaga ng baboy na si Eumaeus, ang isa sa mga nalalabing kakampi ni Odiseo. Dito rin sa pamamahay ng magbababoy nakasalamuha ni Odiseo ang anak na lalaking si Telemaco. Magkatulong nilang pinaghandaan ang pagpaslang sa mga manliligaw ni Penelope. Sa paglitaw ni Odiseo sa kaniyang sariling tahanan, tanging ang kaniyang asong si Argus at ang isang taong nagngangalang Eurycleia ang nakamukha kay Odiseo. Sa katuwaan sa pagkakakilala kay Odiseo, bumagsak nang walang buhay ang asong si Argus, dahil ito sa labis na katuwaan nang makita ang among si Odiseo. Nakilala naman ni Eurycleia si Odiseo nang hugasan nito ang kaniyang paa, nagpapanggap pa noon si Odiseo bilang isang pulubi. Natiyak ni Eurycleia, dating tagapag-alaga ng sanggol pang si Odiseo, ang katauhan ni Odiseo sa pamamagitan ng balat sa paa nang binubuhasan nito ng tubig ang paa ni Odiseong nagkukuwaring pulubi.[2][6]

Salaysay ukol kay Penelope
baguhin
 
Ang pakikipagsagupaan ni Odiseo sa mga manliligaw ni Penelope.

Ipinahayag ni Penelope na pakakasalan niya ang sinuman sa kaniyang manliligaw na makagagamit ng sandatang pana ni Odiseo, ngunit walang nagtagumpay sa mga ito. Habang nagpapanggap pa rin bilang isang pulubi, sinabi ni Odiseong ibig niyang sumubok na gamitin ang naturang pana. Pagkaraang magtagumpay, pinagpapaslang ni Odiseo sa pamamagitan ng pana at mga palaso ang mga manliligaw ni Penelope. Tinulungan siya ng anak na si Telemaco, at ng isa pang may malasakit na tauhan, sa pakikipaglabang ito. Ibinunyag ni Odiseo kay Penelope kung sino siyang talaga, subalit hindi ito maniwala. Napatunayan ni Odiseong siya ang nawawala nitong asawa, sa pamamagitan ng pagpapaalala at paglalarawan ng ginawa ni Odiseo sa kanilang higaang mag-asawa, isang kamang may isang haliging nagmula sa isang tumutubong puno. Isa itong lihim na tanging sin Odiseo at Penelope lamang ang nakakaalam.[2][6]

Noong wala pa si Odiseo, nakapangako na rin si Penelope sa mga dating nabubuhay pang mga manliligaw niya na makikipag-isang dibdib siya sa isa sa mga ito kapag natapos na ni Penelope ang kaniyang gawain sa pananahi. Subalit palagian niyang nalilinlang ang kaniyang mga manliligaw sa pamamagitan ng pagtatastas na muli ng mga natatapos niyang tahiin tuwing gabi. Pagsapit muli ng umaga, maipapakita niyang hindi pa tapos ang kaniyang mga tinatahi, kaya't hindi pa siya makakapili ng mapapakasalan mula sa mga makukulit na mga manliligaw.[2][6]

Pagwawakas at pahimakas

baguhin

Kapagdaka, noong sumapit ang kinabukasan, nagsidating ang mga mag-anak ng mga manunuyong napaslang ni Odiseo upang makapaghiganti, sapagkat dalawang salinlahi ng mga kalalakihan ng Ithaca ang nawalan ng buhay dahil kay Odiseo. Subalit napigil sila ng diyosang si Atena. Pagkaraan nito, sa utos ng diyos na si Zeus,muling nagkaroon ng kapayapaan sa Ithaca. Dito nagtatapos ang Odisea.[2][6]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Pagpapakilala ni D.C.H. Rieu sa The Odyssey (Penguin, 2003), p. xi.
  2. 2.00 2.01 2.02 2.03 2.04 2.05 2.06 2.07 2.08 2.09 2.10 2.11 2.12 2.13 2.14 2.15 "Odyssey". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Namatay ang asong si Argos, autik' idont' Odusea eeikosto eniauto ("seeing Odysseus again in the twentieth year"), Odyssey 17.327; cf. at 2.174-6, 23.102, 23.170.
  4. Gaboy, Luciano L. Odyssey - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  5. The Odyssey, Book XIV.
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 Banghay na nakabatay mula sa Dalby, Andrew (2006), written at New York, London, Rediscovering Homer, Norton, ISBN 0393057887 pp. xx-xxiv.