Agham pang-aktuwaryo
Ang agham pang-aktuwaryo (sa Ingles: actuarial science ay ang disiplinang gumagamit ng mga konsepto sa matematika at estadistika para masuri ang potensyal ng isang bagay na mabawasan ng halaga sa mga seguro, pananalapi, at iba pang mga industriya at propesyon. Aktuwaryo ang tawag sa mga taong kuwalipikado sa larangang ito. Sila ay natututo sa paraan ng pag-aaral ng agham pang-aktuwaryo at pati na rin sa pamamagitan ng mga karanasan nila sa larangang ito. Pinapakita ng mga aktuwaryo ang kanilang galing at kakayahan sa larangang ito sa pamamagitan ng pagpasa ng mga mahihirap at mahihigpit na pagsusulit.
Ang agham pang-aktuwaryo ay gumagamit ng magkakaugnay na paksa sa probabilidad, matematika, estadistika, ekonomika, at pagprogramang pang-kompyuter. Gumagamit ito noon ng mga modelo sa paggawa ng mga talaan at mga bayad sa seguro. Ang agham na ito ay dumaan sa napakaraming pagbabago sa nakaraang 30 taon dahil sa mga makabagong kompyuter at ang unyon ng mga modelo ng stochastic actuary na may kasamang modernong teorya sa pinansyal (Frees 1990).
Madami ng mga pamantasan ang may kurso na actuarial science. Sa isang pag-aaral ng CareerCast noong 2010, ang pagiging aktuwaryo ang nangungunang trabaho sa Estados Unidos. Gumamit sila ng limang saligan sa pagranggo ng mga trabaho: kapaligiran, sahod, tanawan ng nasabing trabaho, pisikal na mga gawain, at stress na naidudulot nito. May katulad na pag-aaral ang U.S. News & World Report noong 2006 na sinama ang aktuwaryo sa 25 na pinakamagandang propesyon at inaasahan din nilang malaki ang magiging demanda nito sa hinaharap.