Location via proxy:   [ UP ]  
[Report a bug]   [Manage cookies]                
Pumunta sa nilalaman

Kaguluhan sa Stonewall

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
The only known photograph taken during the first night of the riots, by freelance photographer Joseph Ambrosini, shows gay youth scuffling with police.

Ang mga kaguluhan sa Stonewall ay isang serye ng mga magkakasunod at mararahas na pagkilos laban sa pagsalakay ng mga pulis na naganap noong madaling araw ng 28 Hunyo 1969, sa Stonewall Inn, sa Greenwich Village, isang distrito ng Lungsod ng Bagong York. Sinasabi na ang paglaban na ito ay ang kauna-unahan sa kasaysayan ng Amerika kung saan ang mga tao sa komunidad ng mga homoseksuwal ay lumaban laban sa sinusuportahan ng pamahalaang pag-uusig laban sa mga minoryang seksuwal, at ito ang naging marka nang simula ng kilusang karapatan ng mga homoseksuwal sa Estados Unidos at sa buong daigdig.

Humaharap ang mga Amerikanong bakla at lesbyana noong dekada '50 at '60 sa mas matinding sistemang legal na laban sa mga homoseksuwal kaysa sa ilang bansang kasama sa Kasunduan ng Warsaw.[note 1][1] Ang mga nangunang pangkat ng mga homoseksuwal sa Estados Unidos ay naghangad na patunayan na maaaring maisama sa lipunan ang mga bakla, at pinapaburan nila ang hindi komprontasyunal na edukasyon para sa mga homosekuswal at heteroseksuwal. Sa huling mga taon ng dekada '60, gayunman, ay naging magulo, dahil maraming mga kilusang panlipunan ang aktibo, kasama na ang Kilusang Karapatang Sibil ng mga Aprikanong-Amerikano, ang counterculture, at ang mga demonstrasyon laban sa Digmaang Biyetnam. Ang mga impluwensiyang ito, kasama na ang liberal na kapaligiran sa Greenwich Village ay nagsilbing tagapagmulat sa mga kaguluhan sa Stonewall.

Iilan lamang mga establisyamento ang tumatanggap sa mga ladlad na bakla noong dekada '50 at '60. Kadalasang mga bars ang mga tumatanggap, subalit bihirang homoseksuwal ang mga tagapamahala nito. Ang Stonewall Inn, noong panahong iyon, ay pinamamahalaan ng Mafia.[2][3] Naglilingkod sila ng iba't ibang uri ng parokyano, subalit mas tanyag ito sa mga mahihirap at sa mga karaniwang bakla ng komunidad: ang mga drag queen, na kinatawan ng bagong komunidad na transgender, mga batang lalaking kilos babae, mga kolboy, at mga kabataang walang tirahan. Karaniwan ang pagsalakay ng mga pulis sa mga gay bars noong dekada '60, subalit mabilis nawalan ng kontrol ang mga opisyal sa sitwasyon sa Stonewall Inn, at nakaakit ng maraming tao upang magsimula ng kaguluhan. Ang tensiyon sa pagitan ng mga pulis ng Lungsod ng Bagong York at sa mga residenteng bakla ay pumutok sa mas matinding protesta nang sumunod na gabi, at sa mga gabing sumunod pa dito. Sa loob ng ilang linggo, ang mga residente ay mabilis na nakapag-organisa ng isang grupong aktibista upang tipunin ang pagsisikap na makapagbuo ng isang lugar para sa mga bakla at lesbyana upang maging bukas sila sa kanilang orientasyong seksuwal na walang takot na maaresto.

Pagkatapos ng kaguluhan sa Stonewall, dumanas ng iba't ibang balakid ang mga bakla at lesbyana sa Lungsod ng Bagong York upang maging isang ganap na komunidad. Sa loob ng anim na buwan, nabuo ang dalawang organisasyong aktibistang pambakla sa Bagong York, na nakatuon sa mga taktikong komprontasyunal, at naitatag ang tatlong pahayagan upang isulong ang mga karapatan ng mga bakla at lesbyana. Sa loob ng ilang mga taon, naitatag ang mga samahan ng karapatang pambakla sa loob ng Estados Unidos at sa buong mundo. Noong 28 Hunyo 1970, ang kauna-unahang martsang Pride Parade ng mga bakla ay ginanap sa Los Angeles, Chicago, at Bagong York, bilang paggunita sa anibersaryo ng kaguluhan. May mga katulad din na mga martsa ang inilunsad sa ibang mga lungsod. Ngayon, ang mga kaganapang Gay Pride ay taunang idinaraos sa buong daigdig tuwing huling linggo ng Hunyo upang ipaalala ang kaguluhan ng Stonewall.[4]

Homoseksuwalidad noong Ika-20 dantaon sa Amerika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Matapos ang mga panlipunang pagbabago na dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, maraming mga tao sa Estados Unidos ang nakadama ng matinding pagnanais na ibalik ang kaayusan ng lipunan bago ang digmaan at pigilan ang ang mga pagbabago, ayon sa mananaysay na si Barry Adam.[5] Dahil sa mga pambansang pag-uudyok laban sa komunismo, nagsagawa ng pagdinig si Senador Joseph McCarthy upang maghanap ng mga komunista sa Estados Unidos na humantong sa isang pambansang paranoya. Ang mga anarkista, komunista, at ang mga taong pinaniniwalaang hindi maka-Amerikano at mapaghimagsik ay itinuturing na panganib sa katiwasayan. Isinama sa talaang ito ang mga homoseksuwal ng U.S. State Department noong 1950, dahil sa mga kuru-kuro na sila ay kiling sa blackmail. Nabanggit sa isang ulat ni pangalawang kalihim James E. Webb na "It is generally believed that those who engage in overt acts of perversion lack the emotional stability of normal persons."[6] Sa pagitan ng 1947 hanggang 1950, 1,700 aplikasyon sa pederal na trabaho ang hindi tinanggap, 4,380 katao ang inalis sa militar, at 420 ang tinanggal sa mga trabaho sa gobyerno dahil sa paghihinalang sila ay mga homoseksuwal.[7]

Noong dekada '50 at '60, nagpapanatili ang Federal Bureau of Investigation (FBI) at ang mga kapulisan ng talaan ng mga kilalang homoseksuwal, ang mga establisyamentong kanilang hilig puntahan, at mga kaibigan nito. Ang U.S. Post Office naman ay sinusundan ang mga pinatutunguhan ng mga bagay na ipinapadala na ukol sa homoseksuwalidad.[8] Sinundan ito ng pamahalaan ng mga estado at ng mga lokal na pamahalaan: ang mga bar na tumatanggap ng mga homoseksuwal ay ipinasara, at ang kanilang mga parokyano ay hinuhuli at inilalantad sa mga pahayagan. Nagsasagawa ang mga lungsod ng "sweeps" o paglilinis sa mga barangay, liwasan, bars, at mga dalampasigan kung saan may mga bakla. Ang pagsusuot ng damit ng kasalungat sa kasarian ay ginawang krimen, at ang mga dalubsahaan ay nagtanggal ng mga tagapagturo na pinaghihinalaang homoseksuwal.[9] Libu-Libong mga bakla at lesbyana ang pinahiya sa madla, pisikal na sinaktan, tinanggal sa trabaho, ikinulong o iniligay sa mga ospital ng pag-iisip. Marami ang namuhay na dalawa ang buhay, na pinanatili ang kanilang pribadong buhay na lihim mula sa kanilang propesyunal na buhay.

Noong 1952, tinala ng American Psychiatric Association ang homoseksuwalidad sa Diagnostic and Statistical Manual (DSM) bilang isang sociopathic personality disturbance. Isang komprehensibong pag-aaral tungkol sa homoseksuwal noong 1962 ang nagpatibay sa pagkakasama ng karamdaman bilang isang karamdaman na pagkakaroon ng takot sa kasalungat na kasarian na nagdudulot ng isang traumatikong relasyong magulang-at-anak. Naging maimpluwensiya ang pananaw na ito sa prupesyong medikal.[10] Subalit noong 1956, nagsagawa ang sikologong si Evelyn Hooker ng isang pag-aaral na naghahambing sa kasiyahan at likas na kaayusan ng isang aminadong homoseksuwal na lalaki at isang heteroseksuwal na lalaki at natagpuang walang pagkakaiba.[11] Nagulat ang medikal na komunidad sa kanyang pag-aaral at ginawa siyang bayani ng maraming bakla at lesbyana,[12] subalit nanatili ang homoseksuwalidad sa DSM hanggang 1973.

Aktibismong homophile at mga kaguluhan sa Compton's Cafeteria

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bilang tugon sa lumalalang anti-homoseksuwal, dalawang organisasyon ang magkahiwalay na nabuo upang ipaglaban ang mga homoseksuwal at bigyan ng pagkakataon ang mga bakla at lesbyana na makihalubilo sa lipunan ng walang kasamang takot na sila ay maaresto. Binuo ng mga homoseksuwal sa lugar ng Los Angeles ang Mattachine Society noong 1950, sa tahanan ng aktibistang komunistang si Harry Hay.[13] Layunin nila ang pag-isahin ang mga homoseksuwal, turuan, pamunuan, at tulungan sa mga legal na usapin.[14] Dahil nakaharap ng matinding oposisyon dahil sa pagkaradikal ng Mattachine, noong 1953 binago nito ang layunin nito at nagpokus sa paggalang at pagtanggap ng lipunan. Dahilan nila na mas maraming silang isip na mababago sa pagpapatunay na ang mga bakla at lesbyana ay mga normal na tao din, na walang pinagkaiba sa mga heteroseksuwal.[15][16] Hindi nagtagas, ilang mga kababaihan sa San Francisco ang nakipagkita sa kanila upang buuin ang Daughters of Bilitis (DOB) para sa mga lesbyana.[17] Subalit ang walong mga babaeng ito na bumuo ng DOB ay nagsama sama lamang upang magkaroon ng ligtas na lugar para sumayaw, habang lumalaki ang kanilang grupo ay nabuo rin nila ang katulad na layunin ng Mattachine, at hinikayat ang kanilang mga kasapi na sumama sa kanilang pangkahalatang lipunan.[18]

Isa sa mga unang hamon sa pagsupil ng pamahalaan sa homoseksuwal ay naganap noong 1953. Isang samahang may pangalang ONE, Inc. ang naglimbag ng isang magasin na tinawag na ONE. Tinanggihan ng koreo ng Estados Unidos (U.S. Postal Service) na magpadala ng isyu para sa buwan ng Agosto tungkol sa mga alalahanin mga homoseksuwal patungkol sa mga kasalang heteroseksuwal, sa dahilang ang mga nilalaman nito ay labis na kalaswaan kahit na ito ay balot ng sobre. Ang kaso ay lumaon na umabot sa Kataastaasang Hukuman, kung saan noong 1958 ay pinasiyahan na ang One, Inc. ay maaaring magpadala ng mga materyal nito gamit ang Serbisyong Koreo.[19]

Dumami ang mga organisasyong Homophile—ang tawag noon sa mga grupo ng mga bakla— at kumalat hanggang sa Silangang bahagi ng bansa. Unti unti, naging mas matapang ang mga kasapi ng mga organisasyong ito. Si Frank Kameny ay ang nagtatag ng Mattachine sa Washington, D.C. Siya ay pinatalsik sa Serbisyong Pang-Mapa ng Sandatahang Lakas ng Amerika dahil sa pagiging homoseksuwal, at nagdemanda upang siya ay maibalik ngunit nabigo. Sinulat ni Kameny na ang mga homoseksuwal ay hindi naiiba sa mga heteroseksuwal, na kadalasang niyang pinupuntirya ang mga propesyunal sa pag-iisip, kung saan ang iba dito ay dumalo pa sa mga pulong ng Mattachine at DOB at sinabi nila na ang mga kasapi nito ay mga abnormal.[20] Noong 1965, napukaw ang atensiyon ni Kameny sa nagaganap na Kilusang Karapatang Sibil,[21] at nag-organisa ng protesta sa Puting Tahanan at sa iba pang mga gusaling pampamahalaan upang iprotesta ang diskriminasyon sa pagtatarabaho. Ikinagulat ito ng mga bakla, at ikinagalit ng ibang mga namumuno sa Mattachine at sa DOB.[22][23] Sa kasabay na panahon, ang mga demonstrasyon sa kilusang karapatang sibil at sa mga tutol sa Digmaan sa Biyetnam ay nakilala, dumami, at naging malala noong dekada 60, pati na rin ang kanilang pagharap sa puwersa ng kapulisan.[24]

Greenwich Village

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Isang larawan ng Washington Square Park sa Greenwich Village
Ang Washington Square Park sa Greenwich Village

Ang purok ng Greenwich Village at Harlem ng Bagong York ay tirahan ng mangilan-ngilang populasyon ng mga homoseksuwal pagkatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, kung saan ang mga lalaki at babaeng naglingkod sa sandatahan ay ginamit ang pagkakataon na manirahan sa mas malaking lungsod. Ang mga lugar na ito ay inilarawan ng isang kuwento sa pahayagan bilang "babaing may maiikli ang buhok at mga lalaking mahahaba ang buhok", at nakabuo ng natatanging subkultura sa mga susunod na dalawang dekada.[25] Ang pagbabawal ay hindi sinasadyang nakatulong sa mga establisyamentong pangbakla, dahil ang mga inuming alkohol ay pailalim na itinutuloy kasama ng ibang kilos na sinasabing imoral. Nagpasa ang Lungsod ng Bagong York ng mga batas laban sa homoseksuwalidad sa mga negosyong pampubliko at pribado, ngunit dahil mataas ang pangangailangan sa alak, ang mga establisyamentong biglaan lang at speakeasies ay madami at panandalian lang upang hindi mahuli ng kapulisan.[26]

Ang pagsupil sa lipunan noong dekada 50 ay nagdulot ng himagsikang kultural sa Greenwich Village. Isang pangkat ng mga makata, na lumaon ay pinangalanang Beat, ay nagsulat tungkol sa kasamaan ng organisasyong panlipunan ng kanilang panahon, pagpupuri sa anarkiya, droga at hedonistikong kasiyahan. Sa mga iyon, sina Allen Ginsberg at William S. Burroughs—na parehong naninirahan sa Greenwich Village—ay walang tasang at puro katotohanan tungkol sa homoseksuwalidad. Naakit nito ang mga liberal na tao, pati na rin ang mga homoseksuwal na naghahanap ng komunidad.

Sa simula ng dekada 60s, isang kampanyang naglalayon na puksain ang mga gay bars sa Lungsod ng Bagong York ang iniutos ni Alkalde Robert F. Wagner, Jr., na nababahala sa imahe ng lungsod na naghahanda sa 1964 New York World's Fair. Binawi ng lungsod ang mga lisensiya sa pagbenta ng alak ng mga bars, at pinaigting ang operasyon ng mga pulis upang makahuli ng maraming mga homoseksuwal..[27] Ang paghuhuli ay binubuo ng isang undercover na pulis na makakakita ng isang lalaki sa bar o sa isang pampublikong lugar at kinakausap; kung ang usapan ay tutungo sa posibilidad na sila ay aalis-o ang undercover na pulis ay bumili ng alak para sa lalaki-ang lalaki ay dadakpin dahil sa solisitasyon. Isang istorya sa New York Post ang naglarawan ng isang aresto sa isang gym locker room, kung saan hinahawakan ng isang undecover na pulis ang kanyang pundiya at uungol, at kung may isang lalaki ang magtatanong kung siya ay napaano, siya ay aarestuhin.[28] May iilang mga abogado ang dedepensahan ang hindi kanais nais na kasong ito, at ang ilan sa mga abogadong ito ay kinukuha ang kanilang mga bayad sa mga nangdakip na pulis.[29]

Nagtagumpay ang Mattachine Society sa pagpapahinto ng bagong halal na alkalde ng John Lindsay sa patibong na kampanya ng kapulisan ng Bagong York. Mas nahirapan sila sa New York State Liquor Authority (SLA). Kahit na walang batas na nagbabawal sa pagbibigay ng alak sa mga homoseksuwal, ang hukom ay pinayagan ang SLA na magkaroon ng diskresyon sa pagpaapruba at pagbawi ng lisensiyang pang-alkohol para sa mga negosyo na maaaring pagmulan ng "kaguluhan".[30] Kahit na mataas ang populasyon ng mga bakla at lesbyan na tinatawag ang Greenwich Village bilang kanilang tahanan, kakaunti lang ang mga lugar na angkop sa kanila, maliban sa mga bar, kung saan maaari silang magsama-sama ng bukas sa isa't isa na hindi niyayamot o dinadakip. Noong 1966, nagsagawa ang Mattachine ng Bagong York ng "sip-in" sa bar ng Greenwich Village na tinawag na Bagong York, na kadalasang dinadayo ng mga bakla, upang ipakita ang diskriminasyon hinaharap ng mga homoseksuwal.[31]

Walang isang bar na madalas puntahan ng mga bakla at lesbyana ang pagmamay-ari ng mga homoseksuwal. Halos lahat sa kanila ay kontrolado ng mga sindikatong mafia, na may mamababang serbisyo at mataas ang tubo sa mga alak. Subalit, sila din ay nagbabayad sa mga pulis upang maiwasan ang madalas na pagsalakay.[32]

Stonewall Inn

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Lokasyon ng Stonewall Inn sa Greenwich Village

Ang Stonewall Inn, na nasa 51 at 53 Christopher Street, pati ang ilang mga establisyamento sa lungsod ay pagmamay-ari ng Pamilya Genovese.[2] Noong 1966, tatlong kasapi ng Mafia ang namuhunan ng $3,500 upang gawing isang gay bar ang Stonewall Inn, pagkatapos nitong maging isang restoran at nightclub para sa mga heteroseksuwal. Isang beses bawat linggo, nangongolekta ang mga pulis ng pera bilang kabayaran; walang lisensiya upang magtinda ng alak ang Stonewall Inn.[33][34] wala itong maayos na patubig, at ang mga gamit na baso ay hinuhugasan lang sa isang lalagyan ng tubig at kaagad na gagamitin.[32] Wala rin itong labasan kapag may sunog, at ang palikuran ay hindi laging nalilinis.[35] Datapwat ang bar ay hindi ginagamit sa prostitusyon, ang droga at iba pang ilegal na transaksiyon ay nagaganap. Ito lang ang kaisa-isahang bar para sa mga bakla sa Lungsod ng York kung saan ang pagsasayaw ay pinapahintulutan.[36] Ang pagsasayaw ang pangunahing panghatak nito simula ng ito ay magbukas bilang isang gay club.[37]

Ang mga pupumunta sa Stonewall noong 1969 ay sinasalubong ng isang bouncer na siyang sumusuri sa mga ito sa isang maliit na butas sa pinto. Ang legal na gulang na maaaring uminom ng alak ay 18, at upang maiwasan ang pagpasok ng mga nagpapanggap na pulis na parokyano (na tinawag nila na "Lily Law", "Alice Blue Gown", o "Betty Badge"[38]), ang mga bisita ay dapat kilala ng bouncer o, mukhang bakla. Ang bayad para makapasok kapag Sabado at Linggo ay $3, kung saan ang kostumer ay makakatanggap ng dalawang tarheta na maaaring ipalit sa dalawang inumin. Ang mga parokya ay kailangang ilagda ang kanilang mga pangalan sa isang aklat upang mapatunayan na ang bar ay isang pribadong "bottle club", subalit ito ay madalang na nilalagdaan ng kanilang mga tunay na pangalan. Walang lugar sayawan ang Stonewall, ang loob nito ay may pinturang itim, na upang maging madilim sa loob, at may mga itim na ilaw. Kapag may namataang pulis, ang mga pangkaraniwang puting ilaw ay binubuksan, na nagbibigay senyales sa lahat na huminto sa pagsayaw at paghawak sa iba.[38] Sa likod ng bar ay may mas maliit na silid na madalas puntahan ng mga "queens"; isa iyon sa dalawang bar kung saan ang mga malalambot na lalaki na nakasuot ng makeup at nakaayos ang buhok (subalit nakasuot parin ng pang-lalaking damit) ay maaaring pumunta.[39] Kaaunting mga transvestite o iyong mga lalaking nakapang drag, ang pinapahintulutan makapasok. Ang mga kostumer ay "98% mga lalaki", subalit may iilang mga lesbyana ang nagpupunta sa bar. Ang ilan mga kabataang lalaking walang tirahan, na natutulog lang sa kalapit na Liwasang Christopher, ay sinusubang pumasok sa bar para sila ay bilhan ng inumin ng mga kostumer.[40] Ang saklaw ng edad ng mga kostumer ay nasa pagitan ng mga itaas na gulang ng tinedyer hanggang sa mga unang bahagi ng 30 taon, at ang mga lahi ay pantay pantay para sa mga puti, itim, at mga Latino.[39][41] Dahil sa halo halong uri ng mga tao dito, ang lokasyon nito, at ang atraksiyon nito ng pagsasayaw, ang Stonewall Inn, ay kilala bilang "Ang gay bar sa lungsod"[42]

Madalas ang pagsalakay ng mga pulis sa mga gay bars-na karaniwang nagaganap isang ulit sa isang buwan para sa isang bar. Maraming mga bar ang nagtatago ng mga alak sa isang lihim na lalagyan sa likod ng bar, o sa isang kotse malapit sa bar, upang madaling maipagpatuloy ang kalakalan kung sakaling samsamin ang kanilang mga alak.[2] Kadalasang alam na agad ng mga namamahala ng bar ang mga pagsalakay na gagawin dahil sa mga tip ng pulis, at ang mga pagsalakay ay may kaagahan sa gabi na ang mga negosyong ito ay maaaring makapgsimulang muli kapag natapos na ang mga pulis.[43] Sa isang tipikal na pagsalakay, binubuksan ang mga ilaw, at pinapapila ang mga kostumer at sinisiyasat ang kanilang identipikasyon. Ang mga walang identipikasyon na naka-drag ay inaaresto; ang ilan ay pinapayagang umalis. Ang ilang mga lalaki, kasama ang ilang mga naka-drag, at ginagamit ang kanilang mga ID pang-konskripsiyon (hal. ID ng ROTC sa Pilipinas) bilang kanilang pagkakakilanlan. Ang mga babae ay kinakailangang may suot na tatlong piraso ng pambabaeng damit, at maaaring dakpin kung matatagpuang hindi nila ito suot. Kadalasan din na hinuhuli ang mga kawani at tagapamahala ng mga bar.[43] Ang mga panahon malapit sa 28 Hunyo 1969, ay nagmarka ng madalas na pagsalakay sa mga bar—kasama na ang pagsalakay sa Stonewall Inn noong Martes bago ang kaguluhan[44]—at ang pagsasara ng Checkerboard, ng the Tele-Star, at nang dalawa pang club sa Greenwich Village.[45][46]

Mga Kaguluhan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagsalakay ng mga pulis

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Ang Layout ng Stonewall Inn, 1969[47]

Noong dakong 1:20 nang madaling araw ng Sabado, 28 Hunyo 1969, dumating ang apat na pulis na nakasibilyan, dalawang mga pulis patrol na naka-uniporme at sina Detective Charles Smythe at Inspektor Seymour Pine sa dalawahang pinto ng Stonewall Inn at naghayag ng "Police! We're taking the place!" ("Pulis to! Kukunin namin ang lugar!")[48][note 2] Dalawang babae at dalawang lalaking undercover na pulis ang pumasok sa bar ng mas maaga bago ang pagsalakay, upang makatipon ng mga nakikitang katunayan, habang nag-aantay ang iba sa labas sa senyales bago lumusob. Nang nasa loob na sila, tumawag sila ng karagdagang pwersa sa Ika-6 na Presinto gamit ang bayarang telepono ng bar. Pinatay ang tugtog at binuksan ang mga pangunahing ilaw. Tinatayang nasa 200 katao ang nasa loob ng bar noong gabing iyon. Ang mga parokyanong hindi pa nakararanas ng isang pagsalakay ay nalito. Ang ilang nakatunog na sa mga mangyayari ay nagsimula nang tumakbo sa mga pinto at bintana sa kubeta, ngunit hinarangan sila ng mga pulis. Naaalala ni Michael Fader, "Things happened so fast you kind of got caught not knowing. All of a sudden there were police there and we were told to all get in lines and to have our identification ready to be led out of the bar." ("Naganap ang mga pangyayari ng napakabilis na hindi mo malalaman na mahuhuli ka. Bigla na lang may mga pulis at sinabihan kami na pumila at ihanda ang anumang pagkakakilanlan para makalabas ng bar.") [48]

Naganap ang pagsalakay ng hindi sang-ayon sa plano. Ang tamang pamamaraan ay ang pagpipila ng mga parokyano, pagsuri ng kanilang mga pagkakakilanlan, at ang mga babaeng pulis ang magsasagawa ng pagsusuri sa mga kostumer na nakabihis babae sa mga palikuran upang tiyakin ang kanilang kasarian, kung saan ang mga lalaking nakabihis babae ay dadakpin. Ang mga lalaking nakabihis babae noong gabing iyon ay tumangging sumama sa mga pulis. Nagsimula din tumanggi ang mga lalaking nakapila na ilabas ang kanilang mga pagkakakilanlan. Napagpasiyahan ng mga pulis na dalhin lahat ng mga nandoon sa estasyon ng pulis, pagkatapos paghiwalayin ang mga lalaking nakabihis babae sa isang silid sa likod ng bar. Si Maria Ritter, na mas kilala bilang Steve sa kanyang pamilya, inalala ang pangyayari, "My biggest fear was that I would get arrested. My second biggest fear was that my picture would be in a newspaper or on a television report in my mother's dress!" ("Ang pinakakinakatakutan ko ay ang mahuli ako. Ang aking ikalawang pinakakinakatakutan ay ang larawan ko na ilabas sa mga pahayahan o sa mga ulat sa telebisyon na suot ang damit ng aking nanay!")[49]

Dadalhin na dapat ng mga pulis ang mga alkohol ng bar gamit ang mga wagon pangpatrol. dalawampu't walong kahon ng serbesa at labinsiyam na mga alak ang nakuha, subalit hindi pa dumadating ang mga wagon pangpatrol, kaya kinakailangang mag-antay ng mga parokyano sa linya ng tinatayang 15 minuto..[49] Pinalabas sa harapang pinto ang mga hindi naaresto, subalit hindi sila kaagad umalis gaya ng nakasanayan. Sa halip, tumigil sila sa labas at dumami ang mga tao at nanood. Sa loob ng ilang minuto, may 100 at 150 katao ang nagtipon sa labas, ang ilan ay mula sa mga pinakawalan mula sa loob ng Stonewall, at ang iba naman ay ang mga nakapanasin sa mga sasakyan ng pulis at sa mga tao. Bagaman pwersadong tinutulak o sinisipa ng mga pulis ang mga parokyano palabas ng bar, ang ilang mga parokyanong inilabas ng mga pulis ay nagkukunwaring sumasasaludo sa mga pulis. Pinalakpakan ng mga tao ang kanilang ginagawa at hinikayat na gawin pa ito:"Wrists were limp, hair was primped, and reactions to the applause were classic." [50]

Nang dumating na ang unang wagon patrol, naalala ni Inspektor Pine na ang mga tao-na karamihan ay mga homoseksuwal-ay lumaki ang bilang ng sampung beses sa dami ng taong kanilang inaresto, at lahat sila ay tahimik.[51] Ang kalituhan sa komunikasyon ang umantala sa pagdating ng ikalawang wagon. Sinimulan ng mga pulis na isakay ang mga kasapi ng Mafia sa unang wagon, kasabay ng pagsigaw ng mga tao sa paligid. Sumunod, ang mga empleyado ang mga sinakay. Isang tambay ang sumigaw, "Gay power!", at may isang umawit ng "We Shall Overcome", at ang reaksiyon ng mga tao ay namangha at ang pangkahalatang maayos na kakatawanan ay nahaluan ng "lumalaki at matinding poot".[52] Tinulak ng isang pulis ang isang transvestite, na gumanti pagkatapos siyang paluin sa ulo ng pitaka nito kasabay ng pagsisimula ng mga tao na mag-boo. Ayon sa may-akda na si Edmund White, na dumaan noong panahong iyon, naalala na, "Everyone's restless, angry, and high-spirited. No one has a slogan, no one even has an attitude, but something's brewing.""[53] Mga barya, pagkatapos ay mga bote ng serbesa ang ibinato sa wagon nang malaman ng mga tao sa labas ang mga sabi sabi na ang mga parokyano sa loob ay pinapalo ng mga pulis.

Nagkaroon ng kaguluhan nang ang isang babaeng nakaposas ang inihatid mula sa pinto ng bar patungo sa wagon ng pulis ng ilang beses. Paulit ulit siyang nakatakas at lumaban sa apat na pulis, sinusumpa at sinisigawan ang mga ito, sa loob ng tinatayang sampung minuto. Inilarawan bilang isang karaniwang tomboy sa Bagong York at "a dyke—stone butch", pinalo siya ng isang pulis ng batuta sa ulo, ayon sa sinasabi ng isang saksi, dahil sa pag-rereklamo nito na masyadong masikip ang kanyang posas.[54] Inalala ng mga tambay na ang babae, na ang pagkakakilanlan ay nananatiling hindi alam,[note 3] ay nagpasimula ng kaguluhan nang tumingin siya sa mga tambay at sumigaw ng, "Why don't you guys do something?" pagkatapos siyang dahil ng pulis sa likod ng wagon,[55] ang mga tao ay nagsimulang dumumog at nagkagulo: "It was at that moment that the scene became explosive".[56]

Ang huling hudyat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sinubukan ng mga pulis na pigilan ang ilan sa mga tao, na nag-udyok pa lalo sa ilan na lumaban. Ang ilang mga nakaposas na sa wagon ng pulis ay nakatakas nang sila ay maiwan ng mga pulis ng walang bantay (na sinadya, ayon sa ilang mga saksi).[note 4][57] Nang subukan patumbahin ng mga tao ang wagon ng pulis, dalawang sasakyang pampulis at isa pang wagon-na binutasan ang gulong-ay dali daling umalis, at iginiit ni Inspektor Pine na bumalik ang mga ito sa lalong madaling panahon. Ang kaguluhan ay humikayat ng higit pang mga tao nang malaman nila ang kaganapan. Inihayag ng ilan sa mga tao doon na ang bar ay sinalakay dahil "hindi sila nagbigay ng lagay sa mga pulis" ("they didn't pay off the cops"), kung saan ay may sumigaw na "Bayaran natin sila" ( "Let's pay them off!")[58] Nagliparan ang mga barya patungo sa mga pulis habang sinisigawan sila ng mga tao ng "Baboy!" ("Pigs!"), at "mga baklang parak!" ("Faggot cops"). Naghagis din ng mga lata ng beer at namalo ang mga pulis, na humawi sa ilan sa mga tao. Ang mga pulis, na may kakaunting bilang laban sa 500 hanggang 600 na mga tao, ay nanghuli nang ilan, kabilang na ang mang-aawit na si Dave Van Ronk—na nahikayat sa kaguluhan mula sa bar na malapit sa Stonewall. Bagama't hindi isang bakla si Van Ronk, nakaranas siya ng mga karahasan sa mga pulis nang siya ay sumali sa mga demonstrasyong laban sa digmaan; "Para sa akin, ang lahat na tumatayo laban sa mga pulis ay tama, kaya ako ay naki-isa... Bawat lingon mo makikita mo na nanghuhuli ang mga pulis. ("As far as I was concerned, anybody who'd stand against the cops was all right with me, and that's why I stayed in... Every time you turned around the cops were pulling some outrage or another.")[58] Sampung pulis-kabilang ang dalawang babaeng pulis-ay binarikadahan sina Van Ronk, at Howard Smith (isang manunulat para sa The Village Voice), at ang ilang mga nakaposas sa loob ng Stonewall Inn para sa kanilang kaligtasan.

Ang Christopher Street Liberation Day noong 28 Hunyo 1970 ang nagmarka ng unang taong pagdiriwang ng mga kaguluhan sa Stonewall na kinapalooban ng mga pagtitipon at ng kauna-unahang Gay Pride march sa kasaysayan ng Estados Unidos, na sumakop sa 51 bloke ng Central Park. Tumagal lamang ng kalahati sa itinakdang oras ang martsa dahil sa kasabikan, pati na rin sa pag-iingat dahil sa paglalakad sa lungsod nang may mga watawat at karatulang pambakla. Bagaman ang permiso sa parada ay ibinigay lamang dalawang oras bago magsimula ang martsa, kakaunti lamang ang naranasang pagsalungat mula sa mga nakakikta.[59] Iniulat ng The New York Times (sa kanilang unang pahina) na sinakop ng mga nagmartsa ang lahat ng mga daan ng 15 bloke ng lungsod.[60]

Kasabay na ginanap ang Gay Pride sa Los Angeles at Chicago.[61][62] Noong mga sumunod na taon, ginanap ang mga martsang Gay Pride sa Boston, Dallas, Milwaukee, London, Paris, West Berlin, at Stockholm.[63] Noong 1972, ang sumunod pang mga lungsod ay kinabibilangan ng Atlanta, Buffalo, Detroit, Washington D.C., Miami, and Philadelphia,[64] pati na rin ng San Francisco.

Mga dagdag babasahin

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Maliban sa Illinois, kung saan ay inalis ang batas sodomya noong 1961, ang mga kilos homoseksuwal, kahit na sa pagitan ng dalawang may sapat na gulang na kumikilos homoseksuwal sa kanilang pribadong tahanan, ay isang kriminal na kasalanan sa bawat estado ng Estados Unidos nang maganap ang kaguluhan sa Stonewall: "Ang mga taong may sapat na gulang na mapapatunayan sa krimen na pakikipagtalik sa isang taong may sapat na gulang sa pribadong tahanan nito ay maaaring mahatulan mula sa mababang lima, sampu o dalawampung taon-o habang buhay na pagkakabilanggo. Noong 1971, dalawampung estado ang may batas na 'sex psychopath' na nagpapahintulot sa pagkukulong ng mga homoseksuwal para lamang sa kadahilang iyon. Sa Pennsylvania at California ang mga may sala ay maaaring dalhin sa isang institusyon sa pag-iisip ng habang buhay at sa pitong iba pang estado, ay maaari silang kapunin." (Carter, p. 15) Castration, emetics, hypnosis, electroshock therapy and lobotomies were used by psychiatrists to attempt to cure homosexuals through the 1950s and 1960s. (Katz, pp. 181–197.) (Adam, p. 60.)
  2. Stonewall employees do not recall being tipped off that a raid was to occur that night, as was the custom. According to Duberman (p. 194), there was a rumor that one might happen, but since it was much later than raids generally took place, Stonewall management thought the tip was inaccurate. Days after the raid, one of the bar owners complained that the tipoff had never come, and that the raid was ordered by the Bureau of Alcohol, Tobacco, and Firearms, who objected that there were no stamps on the liquor bottles, indicating the alcohol was bootlegged. David Carter presents information (p. 96–103) indicating that the Mafia owners of the Stonewall and the manager were blackmailing wealthier customers, particularly those who worked on Wall Street. They appeared to be making more money from extortion than they were from liquor sales in the bar. Carter deduces that when the police were unable to receive kickbacks from blackmail and the theft of negotiable bonds (facilitated by pressuring gay Wall Street cus tomers), they decided to close the Stonewall Inn permanently.
  3. Accounts of people who witnessed the scene, including letters and news reports of the woman who fought with police, conflicted. Where witnesses claim one woman who fought her treatment at the hands of the police caused the crowd to become angry, some also remembered several "butch lesbians" had begun to fight back while still in the bar. At least one was already bleeding when taken out of the bar (Carter, p. 152–153). Craig Rodwell (in Duberman, p. 197) claims the arrest of the woman was not the primary event that triggered the violence, but one of several simultaneous occurrences: "there was just ... a flash of group—of mass—anger".
  4. Isinaad ng saksing si Morty Manford, "Wala akong pag-aalinlangan na ang mga taong iyon ay sinadyang iwan ng walang bantay. Palagay ko maayroon kung anong namamagitan sa pagitan ng tagapamahala ng bar at ng mga lokal na pulis, kaya hindi talaga nila nais na arestuhin ang mga tao. Ngunit dapat nilang ipakita kahit papaano na ginagawa nila ang kanilang trabaho." ("There's no doubt in my mind that those people were deliberately left unguarded. I assume there was some sort of relationship between the bar management and the local police, so they really didn't want to arrest those people. But they had to at least look like they were doing their jobs.") (Marcus, p. 128.)

Mga Sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Carter, p. 15.
  2. 2.0 2.1 2.2 Duberman, p. 183.
  3. Carter, pp. 79–83.
  4. "Pride Marches and Parades", in Encyclopedia of Lesbian, Gay, Bisexual, and Transgender History in America, Marc Stein, ed. (2004), Charles Scribner's Sons.
  5. Adam, p. 56.
  6. Edsall, p. 277.
  7. Adam, p. 58.
  8. Edsall, p. 278.
  9. Adam, p. 59.
  10. Edsall, p. 247.
  11. Edsall, p. 310.
  12. Marcus, p. 58–59.
  13. Marcus, p. 24–25.
  14. Adam, p. 62–63.
  15. Adam, p. 63–64.
  16. Marcus, p. 42–43.
  17. Marcus, p. 21.
  18. Gallo, pp. 1–5, 11.
  19. Marcus, p. 47–48.
  20. Marcus, p. 80–88.
  21. Adam, p. 71.
  22. Marcus, p. 105–108.
  23. DiGuglielmo, Joey (5 Hunyo 2009). Steps to Stonewall Naka-arkibo 2009-07-03 sa Wayback Machine., Washington Blade. Retrieved on 8 Hunyo 2009.
  24. Adam, p. 72–73.
  25. Edsall, p. 253–254.
  26. Edsall, p. 255–256.
  27. Carter, p. 29–37.
  28. Carter, p. 46.
  29. Duberman, p. 116–117.
  30. Carter, p. 48.
  31. Jackson, Sharyn (17 Hunyo 2008). "Before Stonewall: Remembering that, before the riots, there was a Sip-In" Naka-arkibo 2011-07-12 sa Wayback Machine.. The Village Voice. Retrieved on 8 Setyembre 2008.
  32. 32.0 32.1 Duberman, p. 181.
  33. Duberman, p. 185.
  34. Carter, p. 68.
  35. Carter, p. 80.
  36. Duberman, p. 182.
  37. Carter, p. 71.
  38. 38.0 38.1 Duberman, p. 187.
  39. 39.0 39.1 Duberman, p. 189.
  40. Duberman, p. 188.
  41. Deitcher, p. 70.
  42. Carter p. 74.
  43. 43.0 43.1 Duberman, p. 192–193.
  44. Carter, p. 124–125.
  45. Teal, p. 4.
  46. "4 Policemen Hurt in 'Village' Raid: Melee Near Sheridan Square Follows Action at Bar", The New York Times, 29 Hunyo 1969, p. 33.
  47. Carter, photo spread, p. 1.
  48. 48.0 48.1 Carter, p. 137.
  49. 49.0 49.1 Carter, p. 142.
  50. Tial, p. 2.
  51. Carter, p. 147.
  52. Carter, p. 147–148.
  53. Carter, p. 148.
  54. Duberman, p. 196.
  55. Carter, p. 152.
  56. Carter, p. 151.
  57. Carter, p. 154.
  58. 58.0 58.1 Carter, p. 156.
  59. Clendinen, p. 62–64.
  60. Fosburgh, Lacey (29 Hunyo 1970). "Thousands of Homosexuals Hold A Protest Rally in Central Park", The New York Times, p. 1.
  61. Duberman, p. 278–279.
  62. De la Croix, Sukie (2007). Gay power: A History of Chicago Pride Naka-arkibo 2009-07-29 sa Wayback Machine., Chicago Free Press. Hinango noong 1 Hunyo 2009.
  63. LaFrank, p. 20.
  64. Armstrong, Elizabeth A., Crage, Suzanna M. (October 2006). "Movements and Memory: The Making of the Stonewall Myth", American Sociological Review, 71 (5) pp. 724–752. doi:10.1177/000312240607100502.

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]