Location via proxy:   [ UP ]  
[Report a bug]   [Manage cookies]                
Pumunta sa nilalaman

Parlamento ng Singapore

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ang Bahay Parlamento ng Singapore sa may Ilog Singapore, sa likuran makikita ang kupola ng Lumang Gusali ng Kataas-taasang Hukuman, kuha noong 7 Setyembre 2006

Ang Parlamento ng Republika ng Singapore (Ingles: Parliament of the Republic of Singapore, Tsino: 新加坡共和国国家议会, Malay: Parlimen Singapura, Tamil: சிங்கப்பூர் நாடாளுமன்றம்) at ang Pangulo ay magkasamang bumubuo ng sangay tagapagbatas ng Singapore. Unicameral ang parlamento at binubuo ng mga Miyembro ng Parlamento (MP) na hinahalal, pati ng mga Non-constituency na Miyembro ng Parlamento (NCMP) at Nominadong Miyembro ng Parlamento (NMP) na kapwa hinihirang. Kasunod ng pangkalahatang halalan nong 2011, 87 MP ay halal at 3 NCMP ay hinirang sa ika-12 Parlamento. Siyam na NMP ay hinirang sa unang sesyon ng naturang Parlamento. At dahil naganap ang pag-upo ng ika-12 Parlamento noong 10 Oktubre 2011, matatapos ang termino nito sa 9 Oktubre 2016 at ang susunod na pangkalahatang halalan ay dapat maganap sa 8 Enero 2017, maliban na lang kung ito'y bubuwagin ng maaga pa sa nakatakda.

Mula noong 1819, kung kailan naitatag ang Singapore, at 1867, ang pamahalaang Briton sa India at Parlamento ng United Kingdom ang nagtataglay ng kapangyarihang magsabatas. Nang maging crown colony ang Straits Settlements (Malacca, Penang, at Singapore) ang katungkulan nito ay inilipat sa Settlements' Legislative Council, isang di-halal na lupon. Kasunod ng Digmaang Pandaigdig II, binuwag ang Settlements' Legislative Council at naging hiwalay na kolonya ang Singapore na may sariling sangguniang tagapagbatas. Sinusugan ang Saligang-batas ng 1948 upang payagang maihalal ang anim na puwesto sa Sanggunian; ang unang demokratikong halalan sa bansa ay naganap din nang taong iyon. Isa pang susog noong 1955 ang nagtaas sa bilang ng mga halal na puwesto sa 25. Sa sumunod na pangkalahatang halalan, nagwagi ang Labour Front ng mayorya ng puwesto sa Kapulungang Tagapagbatas ng Singapore at ang lider nitong si David Saul Marshall ang naging unang Pangunahing Ministro ng Singapore. Nagkaroon ng negosasyon para sa mala-sariling pamahalaan mula 1956–1957 sa Colonial Office sa London, na naisakatuparan noong 1959. Sa pangkalahatang halalan ng 1959, naluklok sa kapangyarihan ang People's Action Party (PAP) at ang lider nitong si Lee Kuan Yew ang itinalagang Punong Ministro ng Singapore. Nakamit ng Singapore ang kasarinlan mula sa Britanya nang sumapi ito sa Malaysia noong 1963, di-naglaon ito'y naging isang ganap na malayang republika noong 9 Agosto 1965. Ang Kapulungang Tagapagbatas nito ay pinangalanang Parlamento ng Singapore.

Ang Ispiker ng Parlamento ang pangkalahatang nangangasiwa sa Parlamento at ng kalihiman, at tagapangulo ng mga pag-upo ng parlamento. Ang Lider ng Kapulungan ay isang MP na hinihirang ng Punong Ministro upang magsaayos ng gawain ng pamahalaan at programang pambatas ng Parlamento, habang ang di-opisyal ng lider ng oposisyon ay isang MP na namumuno sa pinakamalaking oposisyong partido, na may kakayahan at handang manungkulan kung sakaling magbitiw ang Pamahalaan. Subalit, noong Setyembre 2011, sinabi ni Low Thia Khiang, ang pangkalahatang-kalihim ng Workers' Party of Singapore, na may hawak ng pinakamaraming puwestong oposisyon sa Parlamento na hindi niya matatanggap ang titulo. Ang ilan sa gawain ng Parlamento ay ginagampanan ng ilang Piling Komite na binubuo ng maliit na bilang ng MP. Ang mga Nakatayong Piling Komite ay palagiang binubuo upang gampanan ang ilang tungkulin, at ang mga ad hoc na Piling Komite ay binubuo maya't maya upang tugunan ang mga bagay-bagay na gaya ng pag-aaral ng detalye sa mga panukalang batas. Dagdag pa rito ang ilang piling PAP backbencher ay nakauupo sa mga Komiteng Parlamentaryo ng Pamahalaan na nagsusuri sa polisiya, programa, at mga panukalang batas ng mga ministeryo ng pamahalaan.

Ang pangunahing tungkulin ng Parlamento ay ang pagsasabatas, pagkokontrol sa pananalapi ng bansa, at pagtitiyak ng kapanagutang pangministeryo. Nagpupulong ang Parlamento tuwing ito ay nasa sesyon. Nagsisimulang magpulong ang unang sesyon ng partikular na Parlamento matapos ito mabuo kasunod ng isang pangkalahatang halalan. Nagtatapos naman ang sesyon ng Parlamento kapag ito'y pansamantalang sinuspindi o binuwag. Limang taon ang pinakahabang termino ng Parlamento, pagkatapos nito, kusa itong mabubuwag. Kailangan namang magdaos ng pangkalahatang halalan sa loob ng tatlong buwan pagkabuwag nito.