Location via proxy:   [ UP ]  
[Report a bug]   [Manage cookies]                
Pumunta sa nilalaman

Partido Komunista ng Tsina

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Partidong Kommunista ng Tsina)
Partido Komunista ng Tsina
中国共产党 (Tsino)
Zhōngguó Gòngchǎndǎng
Islogan
  • 为人民服务!
  • Wèi Rénmín Fúwù
  • "Paglingkuran ang sambayanan!"
Itinatag23 Hulyo 1921
Punong-tanggapanZhongnanhai, Xicheng, Pekin
PahayaganDyaryong Bayan
Pangakabataang BagwisLiga ng Kabataang Komunista
Piyonerong BagwisKabataang Piyonero
Sandatahang Bagwis
Bilang ng kasapi  (2023)Increase 99,185,000
Palakuruan
Kasapaing pandaigdigIMCWP
Opisyal na kulay  Red
Pambansang Kongresong Bayan (Ika-13)
2,090 / 2,980
NPC Standing Committee (14th)
117 / 175
Logo
Website
12371.cn

Ang Partidong Komunista ng Tsina ay ang partidong nagtatag at nangingibabaw sa Republikang Bayan ng Tsina. Ito ang ikalawang pinakamalaking partidong pampolitika sa buong mundo, kasunod ng Partido Bharatiya Janata ng Indiya.

Pinangunahan nina Chen Duxiu and Li Dazhao ang pagtatatag ng PKT noong 1921 sa gabay ng Kawanihan sa Malayong Silangan ng Partido Komunista Ruso (Bolshebista) at Komunistang Internasyonal. Sa una ay humanay ito sa nasyonalistang Kuomintang ngunit naghiwalay nang tinalikuran sila ni Chiang Kai-shek noong 1927 at nagsimulang ng kampanyang pagpuksa ng libu-libong komunista, na naghudyat ng matagalang digmaang sibil sa bansa. Nilikha ng partido ang Hukbong Mapagpalayang Bayan na nagsagawa ng gerilyang pakikilaglaban; isang mahalagang halimbawa nito ang Mahabang Martsa kung saan dramatikong umatras ang mga gerilyerong pinamunuan ni Mao Zedong sa pamamagitan ng paglakad ng libu-libong kilometro sa Tsina upang maiwasan ang pagkubkob. Sa pagsiklab ng Ikalawang Digmaang Sino-Hapones noong 1937 ay muling bumuo ang PKT at KMT ng nagkakaisang hanay upang matalo ang mga Hapones. Nang sumuko ang Imperyo ng Hapon noong 1945 ay nagsagupaan ulit ang dalawang partido, subalit pinagtibay na ng PKT ang kanilang base ng suporta sa mga magsasaka sa kanayunan dulot ng mga patakaran nito sa repormang panlupa. Nagtagumpay ang himagsikang komunista na nagpabuwelta sa KMT sa Taiwan, at noong 1 Oktubre 1949 ay inihayag ang Tsina na republikang bayan.

Sa una ay malapit na nakipag-alyansa ang Tsina sa Unyong Sobyetiko. Gayunpaman, nagkaroon ang PKT ng ideolohikong paghihiwalay sa Partido Komunista ng USSR sa de-Stalinisasyon at mga katamtamang polisiya ni Nikita Khruschev. Sa pamumuno ni Mao ay inilunsad ng partido ang Dakilang Luksong Pasulong upang magtransisyon ang bansa mula sa ekonomiyang agrikultural tungo sa isang kapangyarihang industriyal, nagresulta ito sa malawakang taggutom at milyun-milyong mamamayan ang nasawi. Nanangambang humihina ang kanyang impluwensya, inumpisahan ni Mao ang Himagsikang Pangkultura upang gapiin ang mga natitirang kapitalista at reaksyonaryong elemento sa partido. Pinatuloy ito ng Gang ng Apat sa kanyang pagkamatay bago sila ipatalsik ng paksyong di-radikal.

Opisyal na sumusunod sa Marxismo–Leninismo at Kaisipang Mao Zedong, nakaorganisa ang PKT batay sa Leninistang prinsipyo ng demokratikong sentralismo, kung saan bukas ang talakayang pampatakaran sa kondisyon ng pagkakaisa ng mga kasapi ng partido sa pagtataguyod ng napagkasunduang pasya. Ang pinakamataas nitong organo ay ang Pambansang Kongreso, na nagpupulong pagkatapos ng limang taon. Kapag wala ito sa sesyon, itinatalaga ang Komite Sentral bilang pinakamataas na lupon, at inaatasan ang karamihan sa mga tungkulin at responsibilidad ng partido sa Politburo ng Partido Komunista ng Tsina at Komite Permanente nito.

Nagsimulang lumago ang mga ideyang sosyalista sa Tsina sa pagtatapos ng dinastiyang Qing nang pinag-aralan ng mga Tsinong intelektuwal ang gawain ng mga pilosopong Europeo. Isa sa mga kauna-unahang Intsik na nagtaguyod ng Marxismo ay si Zhu Zhixin, isang rebolusyonaryong may-akda na nilathala ang unang salin ng Manipestong Komunista sa wikang Tsino noong 1905.[1]:143-144 Malapit niyang naging kasamahan si Sun Yat-sen, na nangatuwiran na ang sosyalismo ay bahagi ng doktrinang Minsheng, isa sa kanyang Tatlong Alituntunin na nakasentro sa pagbubuwis ng lupa. Inihayag niya rin na isa itong uri ng komunismo.[2] Dahil malawak na ginagalang si Sun bilang isang bayani na ipinaglaban ang kasarinlang Tsino, inaangkin siya ng PKT na "proto-komunista" at isa sa mga tagapagtatag ng kanilang kilusan. Ang kanyang biyuda na si Soong Ching-ling ay naging Honoraryong Pangulo ng Tsina.[3]

Kasunod ng Kilusang Mayo Apat, nagsimulang sumikat ang komunismo sa Tsina. Noong 1919 at 1920, nagsimulang umunlad ang mga grupo sa pagbabasa na nakatuon sa pag-aaral ng Marxismo sa Tsina, kasama ang mga kalahok na naging kasangkot sa mga kilusang pampulitika noong 1910s tulad nina Chen Duxiu at Li Dazhao, gayundin ang mga nakababatang aktibista tulad si Mao Zedong.

  1. Fenby, Jonathan (2008). The Penguin History of Modern China. Penguin Books. ISBN 978-0-14-191761-0.
  2. Godley, Michael R. (1987). "Socialism with Chinese Characteristics: Sun Yatsen and the International Development of China". Australyanong Pahayagan ng Ugnayang Tsino (18). doi:10.2307/2158585. JSTOR 2158585. S2CID 155947428.
  3. Sebag Montefiore, Clarissa (23 Disyembre 2015). "Soong Qingling: 'The Mother of Modern China'". BBC. Nakuha noong 2024-05-17.


Tsina Ang lathalaing ito na tungkol sa Tsina ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.