Location via proxy:   [ UP ]  
[Report a bug]   [Manage cookies]                
Pumunta sa nilalaman

Peritonitis

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang peritonitis ay ang pamamaga ng peritonyo. Maaari iton malubha, pangmatagalan dahil paulit-ulit, pangkabuoan o kaya nasa iisang pook lamang ng peritonyo.[1]

Ang peritonitis na nasa isang pook o lokal lamang (localised peritonitis) ay nagaganap kung may paulit-ulit na proseso ng pamamaga o impeksiyon na nakaapekto na sa peritonyo, katulad ng sa kaso ng ulser o paglusob ng birus na may mababang antas ng kabagsikan. Dahil dito, nangyayaring maglabas ng likidong limpa ang magkakatabing mga kapatagan ng apektadong mga bahagi ng supot ng peritonyo na nagiging sanhi ng pagkakadikit-dikit ng mga ito, na hahantong naman sa pagsasara ng butas ng peritonyo.[1]

Nagiging pangkalahatan ang pamamaga ng peritonyo (general peritonitis) kapag sumabog na ang tiyan patungo sa hukay ng peritonyo o kaya kung sumambulat ang nagnananang bukol o abseso patungo sa puwang ng peritonyo, bago pa man maganap ang pagsasara ng butas ng peritonyo dahil sa tulong ng mga likidong limpa. Nakatutulong ang mga limpa na pigilin lamang sa isang pook o lokalisado ang pamamaga ng peritonyo. Nagkakaroon din ng pangkabuoang pamamaga ng peritonyo dahil sa mga sugat sa puson, sa pagkakaroon ng bara o pagsabok ng bituka o laman-loob, sa pagkalat ng impeksiyon mula sa lagusan ng itlog, pagputok ng sinapupunan, at iba pang katulad na mga pangyayari.[1]

Nagiging matagalan ang peritonitis kapag paulit-ulit na ito. Maaari rin itong maging nasa isang pook lamang o nasa kabuoan ng peritonyo. Kilala rin bilang kronikong peritonitis (chronic peritonitis), isang katangian ng paulit-ulit na pamamaga ng peritonyo ang pagdirikit ng mga ibabaw ng lamad o membrano na humahantong sa pamumuo ng mga adhesyon o pagkakabit-kabit ng mga magkakatabing mga laman-loob. Nagkakaroon ng pagnanana sa mga ito, maging ng pagka-ipon ng mga pluwido. Isang pangkaraniwang halimbawa na pinangyayarihan ng lokalisadong pagdirikit na ganito ang sa kinaroroonan ng apendiks at ng pelbis. Nagreresulta rin ang paulit-ulit na peritonitis mula sa kanser ng mga organo ng puson at tuberkulosis.[1]

Napakaseryosong kalagayan ang pagkakaroon ng malubha at pangkabuoang pemamaga ng peritonyo. Kabilang sa katangian nito ang pananakit sa loob ng puson, pamimintog o paglaki at paglambot ng puson, hindi gumagalaw o paralisado ang mga bituka, at hindi pagdaloy at pagiging mabaho ng mga nilalaman ng mga bituka. Kakikitaan ang pasyente ng anyong nalason, pagsusuka, at ng Hipokratikong mukha (Hippocratic facies). Mataas ang maaaring maganap na pagkamatay ng may sakit, kaya't kinakailangan ang isang operasyon upang mapatulo ang laman ng puson at para mapangasiwaan ang pinagmumulan ng impeksiyon.[1]

Bukod sa siruhiya, kabilang din sa paglalapat ng lunas sa pamamaga ng peritonyo, partikular na ang para sa malubha at pangkabuoang peritonitis, ang kalahating pagpapasasandal o pagpapatihaya sa pasyente  – kilala bilang posisyon ni Fowler  – . Isinasagawa rin ang paglalapat ng mga pandamping mainit o kaya iyelo upang maalis o mabawasan ang pananakit sa apektadong bahagi. Hinggil sa pagpapakain, magaan lamang ang ibinibigay na pagkain, at maaari ring mangyari ang pagbibigay o pagsusumpit ng likidong nutrisyon sa pamamagitan ng proseso ng pagbibigay ng labatiba o enema (kilala rin bilang enemata); ipinapasok ang mga likidong sustansiya papasok mula sa anus (butas ng puwit) patungo sa loob ng tumbong (rektum) at malaking isaw (kolon).[1]

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 Robinson, Victor, pat. (1939). "Peritoenum, peritonitis". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 575.