Rizal 220825 Session 1 STUDENT
Rizal 220825 Session 1 STUDENT
Rizal 220825 Session 1 STUDENT
Ayon sa tala, maraming pumili kay Marcelo H. del Pilar ngunit ito
ay kanilang binago ayon kay Dr. H. Otley Beyer, isang dalubhasa sa
Antropolohiya at katulong sa tekniko ng komisyon, sa kadahilanang
higit na naging madula ang buhay at kamatayan ni Rizal, lalung-lalo na
ang pagiging martir niya sa Bagumbayan. Tunay ngang pinili ng
Komisyong Taft si Rizal mula sa ibang dakilang Pilipino bilang
pangunahing bayani ng kanyang mga kababayan, ngunit masasabi rin
natin na ang kanilang ginawa ay pagpapatibay lamang ng katotohanan
na si Jose Rizal ay ipinagbunyi na ng kanyang mga kababayan at mga
siyentipiko na bilang pinakadakilang tao ng lahing malayo at martir ng
bayan niyang sinilangan.
Noong barilin si Jose Rizal sa Bagumbayan noong Disyembre 30,
1896, maraming tao ang nagluksa at humanga sa kanyang kadakilaan
at katapangan. Noong hindi pa natutuklasan ng mga Kastila ang
Katipunan, ginawa na ni Andres Bonifacio ang pagsugo kay Pio
Valenzuela upang mabatid ang panig ni Rizal hinggil sa pinaplanong
paghihimagsik. Pinapatunayan lamang ng pangyayaring ito ang
pagtitiwala at paggalang sa katalinuhan ni Rizal.
Sina Heneral Emilio Aguinaldo at iba pang mga pinuno ng
himagsikan na ipinatapon sa Hongkong ay nagbigay ng pang-alaalang
palatuntunan noong Disyembre 29, 1897 upang dakilain ang mga
nagawa ni Rizal, sa okasyon ng unang anibersaryo ng pagbaril sa
bayani.
Ang pahayagang La Independencia, na pinamatnugutan ni
Antonio Luna at ang El Heraldo de la Revolucion, sa ilalim ng
pamahalaan ni Pangulong Aguinaldo ay naglabas ng dagdag na sipi
bilang paggunita sa kamatayan ni Jose Rizal. Noong Disyembre 20,
1898, nagpalabas si Pangulong Aguinaldo ng opisyal na proklamasyon
na nagtatalaga sa Disyembre 30 ng taong iyon bilang Araw ni Rizal.
Batay rin sa proklamasyon, iniuutos ang pagtataas ng bandilang
Pilipino sa kalagitnaan ng palo mula tanghali ng Disyembre 29
hanggang tanghali ng Disyembre 30, at ang pagsasara ng lahat ng
mga opisina ng pamahalaan sa buong araw ng Disyembre 30.
Marami namang taong sumang-ayon kay Propesor Ferdinand
Blumentritt na nagsabi noong 1897:
Si Rizal ay hindi lamang ANG PINAKABANTOG NA TAO SA
KANYANG MGA KABABAYAN kundi ANG PINAKADAKILANG TAO NA
NALIKHA NG LAHING MALAYO. Ang kanyang alaala ay hindi
maglalaho sa kanyang tinubuang lupa at matututuhan pa ng susunod
na mga henerasyon ng mga Kastila ang pagbigkas sa kanyang
pangalan na may paggalang at pagpipitagan.
May mga pagkakataon na naririnig natin buhat sa ibang panig ang
panukalang si Andres Bonifacio at hindi si Rizal ang dapat na kilalanin
bilang pangunahing pambansang bayani dahil sa hindi siya kailanman
humawak ng baril, riple o espada sa pakikipaglaban para sa kalayaan.
Sa ibang bansa, ang napiling pangunahing pambansang bayani at
kabilang sa pangkat ng sundalo o heneral, tulad nina George
Washington ng Estados Unidos, Napoleon I at Joan of Arc ng Pransya,
Simon Bolivar ng Venezuela, Jose de San Martin ng Argentina,
Bernardo O’Higgins ng Chile at Jimmo Tenno ng Hapon. Ang ating
pambansang bayani ay isang sibilyan na ang sandata ay kanyang
panulat. Gayunpaman, ang mga Pilipino, sa paggamit ng malayang
pagpapasya at kakaibang pananaw, ay hindi sumunod sa mga
halimbawa ng ibang bansa.
Mahusay na ipinaliwanag ni Rafael Palma ang pagkilala kay Rizal
bilang pangunahing bayani kaysa kay Bonifacio sa mga pananalitang
ito:
“Dapat ipagmalaki ng mga Pilipino ang pagkakaroon mula sa
kanilang mga pambansang bayani ng isang may katangi-
tanging katangian na maaring pantayan nguni’t hindi
mahihigitan ng kahit sino. Datapwat, kung kadalasan man na
ang mga bayani sa kanluraning mga ay mga mandirigmama
at mga heneral na naglilingkod sa kanyang layunin sa
pamamagitan ng kanyang espada, nagbuhos ng dugo at
luha, ang bayani ng mga Plipino ay naglingkod sa kanyang
layunin sa pamamagitan ng kanyang panulat, nagpapatunay
na ang panulat ay kasing lakas ng tabak sa pagliligtas sa mga
tao mula sa pagkaaliping pulitikal. Totoo sa kalagayan natin,
ang tabak ni Bonifacio ay sadyang kinakailangan upang
buwagin ang kapangyarihan ng dayuhang lakas, ngunit ang
rebolusyong inihanda ni Bonifacio ay epekto lamang, ang
bunga ng espiritwal na pagliligtas na ginawa ng pluma ni
Rizal. Dahil dito, ang ginawa ni Rizal sa ganang amin ay higit
na mataas kaysa kay Bonifacio di lamang dahil sa ayos na
pagkakasunod ng mga ito kundi dahil sa kahalagahan nito,
sapagka’t bagaman nakapagbigay agad ng kagyat na bunga
nag ginawa ni Bonifacio, ang kay Rizal ay nagkaroon ng higit
na matibay at pamalagiang epekto.”
Mula sa sanaysay na sinulat ni Esteban A. de Ocampo, Sino ang
pumili kay Rizal Bilang Pambansang Bayani natin at bakit? Binanggit
niya na: “Bakit si Rizal ang naging pambansang bayani? Siya ang ating
pinakadakilang bayani sapagkat, bilang nangingibabaw na tao sa
Kampanyang Propaganda, gumanap siya ng “kahanga-hangang
bahagi” sa kilusang iyon na humigit kumulang ay papipiliin tayo ng
isang katha ng isang Pilipinong manunulat sa panahong ito, na higit sa
ibang mga sinulat ay nakatulong nang malaki sa pagbubuo ng
nasyonalidad ng mga Pilipino, hindi tayo mag- aatubili sa pagpili sa
Noli Me Tangere (Berlin, 1887) ni Rizal. Totoo na ipinalathala ni Pedro
Paterno ang kanyang nobelang Ninay sa Madrid noong 1885; ni
Marcelo H. del Pilar, ang kanyang La Soberania Monacal sa Barcelona
noong 1889; ni Graciano Lopez Jaena, ang kanyang Discursos y
Articulos Varios Impresiones sa Madrid noong 1893, ngunit wala sa
mga aklat na ito ang nakapaglikha ng papuri o pagpuna mula sa mga
kaibigan o mga kaaway na tulad ng Noli ni Rizal.”