Daang Radyal Blg. 4
Kanlurang dulo: Kalye Pedro Gil sa Maynila Silangang dulo: Taytay Diversion Road sa Taytay, Rizal |
Ang Daang Radyal Bilang Apat (Ingles: Radial Road 4; na itinakda bilang R-4) ay isang pinag-ugnay na mga daanan at tulay na, kapag pinagsama, ay mabubuo sa ikaapat na daang radyal ng Kamaynilaan sa Pilipinas.[1] Matatagpuan ito sa timog ng Ilog Pasig. Pinag-uugnayan nito ang Lungsod ng Maynila sa Makati at Pasig, at sa di-kalaunan, sa lalawigan ng Rizal sa silangan. Kalinya ng R-4 ang R-5 na matatagpuan sa hilaga ng Ilog Pasig. Subalit sa kasalukuyan, tanging ilang bahagi lamang ng daang radyal ay kumpleto o naitayo na.
Ruta
[baguhin | baguhin ang wikitext]Binubuo ng Daang Radyal Blg. 4 ang mga sumusunod na bahagi:
Kalye Linyang Pasig (Pasig Line Street)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Nagsisimula ang R-4 bilang Kalye Linyang Pasig na isang kalye sa distrito ng Santa Ana sa Maynila. Nagsisimula ito sa panulukan ng Kalye Pedro Gil at nagtatapos ito sa panulukan ng Kalye Zobel Roxas, kung saan tutuloy ito papuntang Makati bilang Abenida Kalayaan. Ang bahaging ito ng R-4 ay hinango ang pangalan sa dating Manila Electric Railway na nag-uugnay noon sa Maynila at San Joaquin, Pasig. Ang nasabing linya ng trambiya ay nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at inabandona nang tuluyan pagkatapos.
Abenida Kalayaan (Kalayaan Avenue)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang bahagi ng R-4 sa Makati ay kilala bilang Abenida Kalayaan. Tinatahak nito ang dating Linyang Pasig ng Manila Electric Railway mula Baranggay Tejeros sa panulukan ng Kalye Zobel Roxas hanggang East Rembo sa panulukan ng extensyon ng Abenida J.P. Rizal. Isang bahagi ng abenida (at ng R-4) ay isinara nang habang-buhay at ginawang kalye panresidensyal (bilang Kalye Mercedes) sa loob ng Bel Air Village. Tutuloy lamang ang abenida (at ang R-4) sa silangan ng EDSA, kung saan nagsisilbi itong hilagang hangganan ng Bonifacio Global City. Tutuloy ito pasilangan papunta sa hangganan ng Makati at Pasig malapit sa Napindan Hydraulic Control Structure.
Abenida M. Concepcion (M. Concepcion Avenue)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Mula sa Ilog Taguig (na nagsisilbing hangganan ng Makati at Pasig) hanggang sa panulukan ng Kalye R. Jabson sa San Joaquin, kilala ang R-4 bilang Abenida M. Concepcion. Dumadaan ito sa mga pook sa hilaga ng Pateros bago tumumbok sa Daang Elisco paglampas ng panulukan ng Kalye R. Jabson at Kalye A. Luna.
Daang Elisco (Elisco Road)
[baguhin | baguhin ang wikitext]Kilala ang R-4 bilang Daang Elisco sa mga baranggay ng San Joaquin at Kalawaan sa Pasig. Ang daan na ito ay liliko ng patimog pagkarating ng Kalawaan at biglang tatapos sa hangganan ng Pateros-Taguig. Hindi pa tiyak sa ngayon kung paano ikokonekta ang R-4 mula Daang Elisco patungong Baranggay Pinagbuhatan sa silangan ng Ilog Pasig para maituloy ang pagtahak nito pa-silangan patungong Taytay sa lalawigan ng Rizal.
Highway 2000
[baguhin | baguhin ang wikitext]Tutuloy ang R-4 sa silangan ng Manggahan Floodway sa Taytay bilang Highway 2000, isang lansangang panlalawigan sa nasabing munisipalidad ng Rizal. Tatapos ito sa panulukan ng Taytay Diversion Road at Manila East Road (ng R-5) sa kabayanan ng Taytay (Dolores). Hindi tiyak kung ang R-4 ay susunod sa ruta ng R-5 (sa pamamagitan ng Manila East Road), o kung tatahak ang R-4 sa ibang pagkakahanay, o kung magtatayo ng mga bagong daan para sa R-4.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Metro Manila Infrastructure Development" (PDF). University of the Philippines Diliman. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2017-08-10. Nakuha noong 24 Hulyo 2015.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)