The Hobbit
Ang Hobbit, o There and Back Again ay isang children's fantasy novel na nilikha ng Ingles na manunulat na si J. R. R. Tolkien. Inilathala ito noong 1937 at naging critically acclaimed; naging nominado ito para makamit ang Carnegie Medal at nanalo bilang Best Juvenile Fiction sa New York Herald Tribune. Patuloy ang kasikatan ng libro at kinikilala bilang isang klasiko sa children’s literature.
Naganap ang The Hobbit sa fictional universe ni Tolkien at inilahad ang naging paglalakbay ng taong-bahay na si Bilbo Baggins, ang pangunahing tauhan (hobbit) ng nobela, upang makihati sa kayamanang binabantayan ng dragon na nagngangalang Smaug. Napunta ang paglalakbay ni Bilbo mula sa pagiging lighthearted patungo sa mas mapanganib na lakbayin.
Inilahad ang kwento sa anyo ng episodic quest at kalimitang ipinakikilala sa mga kabanata nito ang mga nilalang o uri ng nilalang na nanggaling sa heograpiya ni Tolkien. Nagkaroon si Bilbo ng panibagong antas ng maturity, kahusayan at karunungan dulot ng kanyang pagtanggap sa hindi kagalang-galang, romantiko, kakaiba, at matapang na aspeto ng kanyang sarili, at sa paggamit din ng kanyang talino at sentido komon. Naganap ang kasukdulan nito sa Battle of Five Armies, kung saan binalik sa kwento ang marami sa mga karakter at nilalang mula sa mga naunang kabanata upang makisali sa labanan.
Ang personal na paglago at ang mga anyo ng kabayanihan ang naging pangunahing tema ng kwento, kasama ang mga motif ng pakikidigma.