Location via proxy:   [ UP ]  
[Report a bug]   [Manage cookies]                

Summer Immersion Program 2012 - Bagac, Bataan

SUPERHERO McRey Banderlipe II Hindi na bago sa akin ang pagsali sa Summer Immersion Program (SIP) ng COSCA; ito na kasi ang pangalawang beses na makikibahagi ako sa SIP. Ngunit masasabi ko na ang naging imersiyon ko sa isang komunidad sa Bagac, Bataan ay nagturo sa akin ng isang simpleng aral na dadalhin ko habambuhay. Hayaan ninyo muna akong maglahad ng aking karanasan sa ilang araw kong pananatili sa tahanan ng Pamilya Coyoca. Dito ko nakilala si Kuya Dolphy, isang mangingisda na lumipat sa pamamasada ng bangkang de-motor sa mga pasaherong turista na nais maglibot sa magagandang tanawin na matatagpuan sa kabilang ibayo. Nariyan din ang kabiyak niyang si Ate Zsa Zsa, ay mali pala, si Ate Babylyn, na nag-aalaga sa kanilang tatlong supling na sina Ken Christopher, Kathleen, at Kristel. May susunod pa pala, ngunit di ko maabutan. Malamang, sa letrang K din magsisimula ang pangalang ibibinyag sa kanya. Sa tahanang iyon naranasan ko ang hirap ng buhay na kanilang pinagdadaanan. Madilim sa kanilang lugar dahil wala silang kuryente; si Mang Dolphy, suwertihan din kung makakuha ng pasahero kaya maaga siyang umaalis sa bahay upang mamasada dahil kung wala siyang maisasakay sa araw na iyon ay marahil wala rin siyang maiuuwi sa kanyang pamilya. Si Ate Babylyn ay pilit na pinagkakasya ang kita ng asawa upang makapaghanda siya ng makakain para sa pamilya, gaano man kasimple ang kanilang ulam. Ang mga batang nakasama ko ay sobrang kulit at pawang masasayahin, ngunit bakas sa kanila ang hirap ng kanilang nararanasan tuwing gabi dahil mainit sa ikalawang palapag kung saan kami natutulog. Ngunit sa kabila ng lahat, sinasalamin ng mga Coyoca ang isang pamilyang hinahangad ng bawat isa sa atin: nagdadasal at nagpapasalamat sa Panginoon bago at matapos kumain at bago matulog, ang mga magulang na tinuturuan ng mabuting asal ang mga anak at pilit na itinataguyod sa kanilang pagaaral; ang pagiging masayahin at ang patuloy na pag-apaw ng pagmamahalan sa bawat miyembro ng pamilya; at sabay-sabay na naghahangad na minsan, maabot nawa nila ang kanilang mga pangarap sa kanilang sarili at para sa kanilang pamilya. Kung bakit superhero ang pamagat ng repleksyong papel na ito, hindi ko rin alam. Naalala ko lamang ang isang hindi malilimutang pakikipag-kuwentuha kay Ken bago kami nagpahinga. Isang gabi, tinanong ko si Ken, “anong gusto mo maging paglaki mo?” Pang-That’s My Boy yata yung tanong ko. Pampalipas oras talaga, hindi ba? Umaasa ako na ang isasagot niya ay doktor, pulis, inhinyero, guro, kuntador publiko (CPA po yun), ngunit kakaiba ang naging tugon niya. “Kuya, gusto ko pong maging superhero.” “Bakit naman?,” tanong ko. “Kasi kuya, gusto ko pong tumulong.” Nagtanong uli ako, “Anong tulong naman ang gagawin mo?” Sagot ni Ken, “hindi ko alam kuya, basta gusto ko pong tumulong.” Labis ang naging paghanga ko sa kanya, sa kanyang mga kapatid, at sa kanyang mga magulang dahil sa sagot niyang iyon. Marahil, kahit sa musmos niyang edad ay nauunawaan na niya ang sitwasyon nila sa kasalukuyan, at batid niyang may magagawa siya upang makatulong. Ipinamalas nina Kuya Dolphy at Ate Babylyn ang pagiging tunay na superhero sa kanilang mga anak dahil sa kanilang pagsusumikap na itaguyod ang pamilya. Naging superhero din ang mga bata sa aking pananaw dahil sa pagsusumikap nilang maging mga mabubuting anak sa kanilang mga magulang upang maipagmalaki sila ng mga ito pagdating ng araw. Bago kami matulog, sinabi ni Ken na nais niyang maitawid ang kanyang pamilya sa hirap kaya patuloy siyang magsisikap sa pag-aaral upang magkaroon sila ng magandang kinabukasan. Kaka-starstruck ‘no? Di ko na namalayan ang tahimik na pagtulo ng luha sa mga mata ko matapos niyang bigkasin ang mga salitang iyon. Superhero ang pamilyang tinuluyan ko. Isang isang malaking karangalan para sa akin ang makipamuhay kasama ng pamilyang ito. Ano nga ba talaga ang isang superhero? Kailangan ba siyang nakasuot ng makulay na damit at may kapa sa likod? Nagiging superhero lang ba ang isang tao kapag ang tinutulungan niya ang mga taong naaapi? Ang mga superhero lang ba ang may kakayahang lumipad? Paano ba maging superhero? Sa ilang araw kong pananatili sa tahanan ng mga Coyoca ay nasagot ang mga tanong na ito. Sa aking pananaw, ang isang superhero ay sumasalamin sa taong hinahangad hindi lamang ang pansariling kapakanan, bagkus ang kapakanan din ng kanyang pamilya at ng lubos na nakararami. Hindi kailangan na magsuot ng makukulay na damit na may kapa sa likod ang isang superhero, dahil sa bawat araw ng ating buhay ay darating ang mga panahon at pangyayaring kailangan nating kumilos agad upang tumulong, hindi yung sasabihin nating magpapalit muna tayo ng damit o lulunok muna tayo ng bato bago magsimulang tumulong. Hindi lamang sa pagtulong sa mga naaapi nagiging superhero ang isang tao. Maaari tayong maging isang ehemplo sa iba sa pamamagitan ng pagbibigay galang sa mga magulang at nakatatanda, pag-aaral nang mabuti, pagtulong sa mga gawaing bahay, paggawa ng maayos na trabaho, pagiging isang mabuting kaibigan at kapatid, pagtuturo sa mga bata, pag-aabot ng anumang makakaya sa mga biktima ng sakuna o kalamidad, pagiging aktibo sa mga pagkilos tungo sa pagtuklas ng katotohanan sa likod ng mga isyung bumabagabag sa ating lipunan, at pagiging boluntir na handang tumulong anumang oras. Ilan lamang ito sa naiisip kong mga paraan upang tayo rin ay maging isang superhero. Sigurado akong sa dami ng biyayang ating natatamasa, alam kong marami pa tayong magagawa upang tayo ay maging biyaya rin ng Diyos sa ating kapwa. Ang isang superhero ay hindi lamang nakikilala sa taas ng kanyang paglipad at sa dami ng kanyang naililigtas, kundi sa kung ano ang naidulot niyang pagbabago sa kanyang mga natulungan. Masasabi kong naging superhero sa akin ang pamilyang Coyoca dahil mas lalo kong nabigyan ng pagpapahalaga ang pagiging isang COSCA boluntir sa ilang araw na pakikipamuhay ko sa kanila. Mas natutunan ko ring yakapin at mahalin ang aking sarili, at unawain at alamin ang aking mga kakayahan sapagkat alam kong may magagawa pa ako upang makatulong sa kapwa. Masaya ako at may bago na namang nadagdag sa listahan ng aking mga superhero, bukod pa kina nanay at tatay, sa aking mga kapatid, at si Br. Roly na lubos na naniniwala sa kadakilaan ng pagiging isang marangal na tao anuman ang larangang tatahakin niya sa kanyang buhay. Ang isip ko ay lumilipad na, nag-iisip na ng mga susunod na hakbang matapos makibahagi sa SIP sa taong ito, naghahanda na rin upang maging isang superhero sa paraang alam ko at kaya ko bilang isang mag-aaral, bilang isang anak at kapatid, bilang isang propesyonal, at bilang isang COSCA boluntir. Maraming salamat, Br. JJ Jimenez FSC, DLSU-COSCA, at sa aking mga nakasama sa Bagac (Kuya Neil, Ate Jenny, Ate Terts, Kuya Mark, Claude, at Christine) sa isa na namang karanasang lubos na nagpayaman sa aking pagsisikap na makapagdulot ng pagbabago sa aking mga matutulungan sa anumang paraan na aking magagawa.